INCHEON, Korea -- Nauwi sa bangungot ang posibleng kahuli-hulihang Asian Games ni Marestella Torres nang nagtala siya ng tatlong sunod na foul attempts sa women’s long jump sa athletics event kagabi sa Incheon Asiad main stadium dito.
Umabot sa 12 long jumpers ang sumali sa kompetisyon at bukod-tangi ang 33-anyos na dating Southeast Asian Games long jump queen ang hindi nakapagtala ng anumang marka.
Hindi dapat kasama si Torres sa delegasyon dahil hindi naabot ang 6.36m qualifying leap na itinakda ng POC-PSC Asian Games Task Force sa performance trial noong Agosto 9.
Pero naisingit pa si Torres sa delegasyon dahil nanalo siya ng ginto sa 2014 Singapore Open sa kanyang 6.45m marka.
Si Torres ay nagbabalik matapos ang mahigit isang taon na pahinga at noong Enero ay isinilang ang kanilang unang anak ni shotput expert Eleazer Sunang.
Si Torres, hawak ang SEAG record na 6.71m noong 2011 edition, ay sinasanay para sa 2016 Olympic Games.