Sadia, Cadosale bumandera sa Bacolod qualifying
BACOLOD CITY, Philippines – Nanguna sina elite runners Maclin Sadia at Stephani Cadosale sa men’s at women’s 21-kilometer race sa qualifying leg ng 38th National MILO Marathon.
Kabuuang 9,266 runners, doble sa numero noong nakaraang taon sa Dumaguete, ang lumahok.
Nagposte ang 21-anyos na si Sadia ng oras na 01:14:16 para ungusan sina Joel Alcorin (01:14:22) at Rowell Hulleza (01:17:16).
Naglista si Cadosale ng bilis na 01:33:43 para iwanan sina Mereeis Ramierez (01:38:59) at Iresh Belleza (01:42:42).
Bukod sa tropeo ay nakamit din nina Sadia at Cadosale ang premyong tig-P10,000.
Nakakuha rin sina Sadia at Cadosale ng tiket para sa National Finals na nakatakda sa Disyembre 7 sa SM Mall of Asia grounds sa Pasay City at tsansang masikwat ang MILO Marathon King at Queen title.
Ang makakakuha sa naturang mga titulo ang ipapadala ng MILO sa Japan para sa 2015 Tokyo Marathon.
Ang mga susunod na qualifying race ay idaraos sa Tagbilaran (Oktubre 5), Cebu (Oktubre 12), Butuan (Oktubre 19), Cagayan De Oro (Nobyembre 9), General Santos (Nobyembre 16) at Davao (Nobyembre 23).
Sa suporta ng Department of Education at ng National MILO Marathon runners, ang Help Gives Shoes advocacy ng MILO ay magbibigay ng running shoes sa 16,000 underprivileged youth.
- Latest