Amberger, Gentle bumandera sa Safeguard Active 5i50 Triathlon
MANILA, Philippines – Dinomina nina Josh Amberger at Ashleigh Gentle ng Australia ang kanilang mga grupo para angkinin ang korona sa pro division ng 2014 Safeguard Active 5i50 Triathlon kahapon sa Tanglao, Bohol.
Nagposte si Amberger, pumang-anim sa nakaraang Ironman 70.3 St. Croix, ikaapat sa Ironman 70.3 Boise, ng mga oras na 16:19 minuto sa swim leg, 55:38 sa bike stage at 39:36 sa run leg ng naturang $10,000 event na itinaguyod ng Safeguard Active.
Ang 24-anyos na si Amberger, pumangalawa sa Ironman 70.3 Muncie, ng total time na 01:55:54 para talunin ang kababayang si Eric Watson para sa korona at top net purse na $1,500.
Humabol si Watson, dating Bunburry Olympic Distance at Mandurah Olympic Distance State champion, sa run stage sa kanyang 37:14 tiyempo, ngunit nabigong ungusan si Amberger sa swim at bike stages para sa kanyang oras na 2:01:46 at premyong $937.50.
Nanguna naman si Michael Murphy sa swim stage sa kanyang bilis na 16:20 ngunit kinapos sa dalawang legs (1:02:32 at 41:35) para sa kanyang oras na 2:04:20 at premyong $637.50.
Pumang-apat naman si Justin Granger (2:10:22) sa event na suportado ng Bellevue Resort bilang official hotel at 2Go na official courier at logistics provider.
Nagsumite naman si Gentle ng total time na 2:02:00 para talunin si veteran triathlete Belinda Granger ng 13 minuto at angkinin ng titulo sa women’s category sa event na inorganisa ng Sunrise Events, Inc. at idinaos sa Bohol sa unang pagkakataon.
Naorasan ang 23-anyos na si Gentle ng 18:20 sa swim leg, 1:02:32 sa bike stage at 37:00 sa run event sa torneong nilahukan ng 667 triathletes mula sa 28 bansa.
- Latest