INCHEON, Korea – Kabiguan ng Gilas Pilipinas team na maisalba ang katiting na tsansa na umabante sa men’s basketball na sinabayan pa ng pagkakasibak ng dalawang lady boxers ang mga bagong dagok na hinarap ng Team Philippines sa 17th Asian Games kahapon dito.
Nanalo ang Pambansang koponan laban sa Kazakhstan, 67-65, pero kapos ito ng siyam na puntos para maabot ang dapat na 11-point winning margin para makakuha ng pinakamagandang quotient kung magkakaroon ng triple-tie sa hanay ng Pilipinas, Kazakhstan at Qatar sa ikalawang puwesto sa grupo sa magkakatulad nilang 1-3 karta.
Bago ito ay inasahan ang Gilas Pilipinas na puwedeng makapaghatid ng medalya, kasama rito ang ginto, matapos ang pangalawang puwestong pagtatapos sa 2013 FIBA-Asia Men’s Championship na idinaos sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nauna rito ay ang hindi inaasahang pagkatalo ng dalawang pambato ng bansa sa women’s boxing para maiwan na lamang sa kamay ng apat na male boxers ang paghahatid ng mailap na gintong medalya.
Hindi nakapag-adjust ang World champion sa flyweight na si Josie Gabuco sa larong ipinakita ni Le Thi Bang ng Vietnam na inangkin ang 40-36, 40-36, 39-37 panalo sa quarterfinals.
Sumunod na namaalam si lightweight Nesthy Petecio na hindi umubra sa mahusay na si Junhua Yin ng China, 39-37, 40-36, 39-37.
Papasok ang kompetisyon sa huling anim na araw at ang Pilipinas ay mayroon pa lamang naibubulsang dalawang silver at dalawang bronze medals sa pinakailalim ng nangungunang China (101-61-45), Korea (41-45-44) at Japan (32-44-44).
Sina Daniel Parantac at Jean Claude Saclag ang sumungkit ng dalawang pilak at si Francisco Solis ang nakapaghatid ng tansong medalya.
Ang isa pang bronze ay galing kay archer Paul Marton dela Cruz sa men’s individual compound event.
Maningning namang binuksan ng equestrian riders ang kanilang kampanya nang tatlo sa apat na riders ang umentra sa finals ng individual event ng equestrian.
Lumapag sina Martin Diego Lorenzo Jr. at Marie Antonette Leviste sa ika-15 puwesto sa individual jumping event, habang tumapos ng ika-20 si Joker Arroyo na nagbigay ng pag-asa sa kampanya ng Pilipinas para sa inaasam na unang medalyang ginto.
Ang tagumpay ng tatlong nabanggit ay nabahiran ng lungkot nang masibak si Mateo Rafael Lorenzo na nakuntento lang sa 31st place.
Tig-tatlong riders lamang bawat bansa ang kukunin para lumaban sa finals.
Posible pang madagdagan ang medalya ng equestrian nang umentra rin sa finals ang grupo nina Leviste, Arroyo at magkapatid na Lorenzo sa finals makaraang tumapos na ika-lima sa jumping team event.
Dalawa pang siklista ng bansa ang uuwing luhaan matapos masibak sa cycling event.
Ito ay sina Ronald Oranza na tumawid ng finish line na ika-13 sa men’s road race event sa itinalang 4:10.47 tiyempo, habang nagsumite naman si Mark John Galedo ng 4:17.10 oras para sa 33rd place.
Nalagay sa alanganin ang kampanya ng Blu Girls matapos lasapin ang 2-8 kabiguan sa mga kamay ng China sa women’s softball preliminary round.
Bigo ring umusad sa final round si Hermie Macaranas sa canoe single (C1) 1,000m men semifinals 1.