MANILA, Philippines - Ilang araw matapos sabihin ni Manny Pacquiao na sadyang ayaw siyang labanan ni Floyd Mayweather, Jr. ay muling ginamit ng American fighter ang social media para tirahin ang Filipino world eight-division champion.
Sa kanyang pinakabagong Twitter at Instagram post, inilagay ni Mayweather ang tatlong litrato ni Pacquiao matapos mapabagsak ni Juan Manuel Marquez sa kanilang ikaapat na banggaan noong 2012.
Tatlong larawan ng pagtumba ni Pacquiao mula sa right hand straight ni Marquez ang ipinakita ni Mayweather sa kanyang Twitter at Instagram post.
Binanggit din ng 37-anyos na si Mayweather ang problema ng 35-anyos na si Pacquiao sa kanyang popularidad at isyu sa buwis sa Pilipinas at maging sa United States.
“My new boxing DVD is coming soon and is called ‘3 Ways to Sleep’. Back, Face and Butt and I’m Falling & I Can’t Get Up. Miss Pac Man is broke and desperate for a pay day. Your Pay-Per-View numbers are a joke,” isinulat ni Mayweather sa kanyang post.
Kamakailan ay sinabi ni Pacquiao sa kanyang Twitter account na walang plano si Mayweather na labanan siya dahil sa pagsisinungaling na ginawa nito nang makausap ng Nevada State Athletic Commission.
Nauna nang idineklara ng World Boxing Council ang kanilang suporta para sa megabuck bout nina Pacquiao at Mayweather.
Maski si chief trainer Freddie Roach ay nanawagan sa dalawang boxing broadcasters na HBO at Showtime na magkasundo para maplantsa ang nasabing laban na tatlong beses nang nadidiskaril dahil sa ilang isyu nina Pacquiao at Mayweather. (Russell Cadayona)