Dela Cruz tumudla ng tansong medalya
INCHEON, Korea -- Hindi uuwing luhaan ang men’s compound archery team sa Asian Games.
Ito ang tiniyak ni Paul Marton Dela Cruz nang kunin ang bronze medal sa individual event mula sa kanyang 140-139 panalo kay Muhammad Zaki Bin Mahazan ng Malaysia sa archery event sa Gyeyang Asiad Archery Field dito.
Nakalamang ng isang arrow si Dela Cruz at kanya itong napanatili nang tapatan ang 28 puntos na ginawa ng Malaysian archer sa huling tatlong arrows para sa ikalawang bronze medal at pang-apat sa kabuuan ng Pilipinas.
Matatandaan na naghatid ang mga wushu bets ng unang tatlong medalya kung saan sina Jean Claude Saclag at Daniel Parantac ay nagbigay ng silver at bronze medal naman si Francisco Solis.
Umabante sa finals ang 28-anyos na si Dela Cruz nang igupo sina Ahmed Abdulla Alabadi ng Qatar, kababayang si Earl Benjamin Yan at Sandeep Kumar ng India para pumasok sa semis. (BRepizo-Meraña)
- Latest