INCHEON, Korea -- Nasa target si Paul Marton dela Cruz para bigyan ng bronze medal sa men’s compound individual ang Team Pilipinas na inaabot pa rin ng kamalasan sa ibang sports na idinadaos sa Asian Games dito.
Matatag ang pulso ni Dela Cruz sa hamon ni Muhammad Zaki Bin Mahazan ng Malaysia upang angkinin ang 140-139 panalo sa battle-for third place na ginawa sa Gyeyang Archery field.
Dalawa sana ang bronze medal ng Pilipinas pero nabigo sina Dela Cruz, Earl Benjamin Yap at Ian Chipeco laban sa Iran, 224-227, sa bronze medal match sa team competition.
Lalabas ang Pilipinas ngayon na may dalawang pilak at dalawang tansong medalya.
Ang naunang tatlong medalya ay galing sa wushu kung saan sina Daniel Parantac at Jean Claude Saclag ay nanalo ng pilak at si Francisco Solis ang unang nag-ambag ng tansong medalya.
Patuloy naman ang sakit ng loob na nararanasan ng iba pang manlalaro ng Pilipinas at ang pinakamapait ay ang 97-95 pagkatalo ng naunang inasahan sa ginto na Gilas Pilipinas na nalasap laban sa host Korea sa men’s basketball competition.
Ito ang ikalawang sunod na pagyuko ng Pambansang koponan sa quarterfinals at ikatlong dikit sa pangkalahatan na nagpalabo sa kanilang pagpasok sa semifinal round.
Bigo rin ang siklistang si Mark Galedo sa 42-kilometer Individual Time Trial race nang malagay lamang sa ika-13 puwesto.
Hindi rin napangalagaan ng Fil-Am netters na sina Ruben Gonzales at Treat Huey ang pagiging second seed sa men’s doubles sa tennis nang sibakin ng eight seeds at home town bets na sina Yongkyu Lim at Hyeon Chung, 0-6, 3-6.
Sinundan naman nina Josie Gabuco at Nesthy Petecio ang magandang ipinakikita ng men’s boxing team nang manalo sa pambungad na laro sa women’s boxing flyweight at lightweight divisions.
Tinalo ni Gabuco si Lin Yu Ting ng Chinese-Taipei, habang binigo ni Petecio si Gulzhaina Ubbihiyazova.