MANILA, Philippines - Eksakto lamang ang pabanda ni Lee Vann Corteza sa cue ball para madisgrasya ang 9-ball patungo sa 7-5 panalo ng Pilipinas kontra sa France sa second round noong Huwebes sa 2014 World Cup of Pool sa Mountbatten Centre sa Portsmouth, Great Britain.
Lamang lang ng isa, 6-5, sina Corteza at Dennis Orcollo laban kina Stephan Cohen at Alex Montpelier at tila babalik sa pagtumbok ang mga katunggali matapos magtago ang four-ball sa likod ng apat na bola.
Pero nasukat ni Corteza ang tamang anggulo at ang dalawang pabanda ang hindi lamang nagpaabot sa cue ball sa object ball kungdi kinarambola rin nito ang iba pang bola at ang nine-ball ay sinuwerteng dumiretso sa side pocket para sa panalo.
Unang pinataob ang Chile, 7-5, pumasok sa round-of-16 sina Orcollo at Corteza at makakaharap nila bukas ang mananalo sa pagitan nina Mika Immonen at Petri Makkonen ng Finland at Karol Skowerski at Mateusz Sniegocki ng Poland.
Sina Orcollo at Corteza ang naghari noong nakaraang taon at balak nila na maging kauna-unahang pool players na nakadalawang sunod na dominasyon. (ATan)