Talk ‘N Text maglalaro sa Guam
MANILA, Philippines - Sasabak ang Talk ‘N Text sa isang mini-tournament sa Guam bilang paghahanda para sa darating na 40th season ng PBA na magsisimula sa Oktubre 19.
Pupuntiryahin ng Tropang Texters ng bagong head coach na si Jong Uichico ang korona ng Guam invitationals na nakatakda sa unang linggo ng Oktubre.
Samantala, inimbitahan naman ang PBA na magsali ng dalawang koponan para sa Dubai International Tournament sa Enero ng 2015.
Ito ay dahil na rin sa magandang ipinakita ng Gilas Pilipinas sa nakaraang 2014 FIBA World Championship sa Spain.
Tatalakayin pa ng PBA Board ang kanilang pagsabak sa naturang Dubai meet sa Enero ng 2015 dahil makakasabay ito ng PBA Philippine Cup.
Ilang out-of-town games din ang inihahanda para sa susunod na season.
Kabilang sa mga maglalaro sa ilang probinsya ay ang Barangay Ginebra, Barako Bull at Rain or Shine katapat ang mga local teams.
Magkakaroon naman ang ‘four-peat’ champions na San Mig Coffee at Globalport ng ilang serye ng tune-up matches sa Korea
Bago ang 17th Asian Games sa Incheon, Korea ay nagsagawa na ang karamihan sa mga PBA teams ng tune-up matches kontra sa Kuwaiti at Qatari national teams.
Ang paglalaro ng nasabing dalawang Middle East squads ang kanilang naging huling preparasyon para sa Incheon Asiad.
- Latest