MANILA, Philippines - Sinuwerte ang tambalan nina Darren Appleton at Karl Boyes ng England A nang malusutan ang pagsorpresa sanang hatid nina Francisco Diaz at David Alcaide ng Spain patungo sa 7-6 panalo sa pagpapatuloy ng 2014 World Cup of Pool first round sa Mountbatten Centre, Portsmouth, Great Britain.
Naunang nakarating sa hill ang Spain, 6-5, pero hindi nila nagawang maibulsa ang mahalagang ika-pitong panalo para mamaalam sa kompetisyong nilalahukan ng 32 koponan mula sa 31 bansa, ang dalawang tropa ay galing sa host England.
Si Alcaide ang nagpatalo sa Spain nang maisablay sa tangkang pagpapapasok sa 4-ball tungo sa clean-up ng host team.
“The last rack was really tense and really edgy but besides that it was a pretty good match,” wika ni Appleton.
Ang nakapagtala ng pinakamalaking panalo sa pangalawang araw ng kompetisyon ay sina Waleed Majid at Bashar Hussain na pinagpahinga ang mas pinaborang Chinese-Taipei na binubuo nina Chang Yu-lung at Hsu Kai-lun, 7-5.
Ang iba pang nanalo ay ang Poland kontra sa Australia, 7-4, China sa laban Czech Republic, 7-5, USA sa Croatia, 7-2, at Holland sa Sweden, 7-3.
Sina Dennis Orcollo at Lee Vann Corteza ng nagdedepensang Pilipinas ay sumalang noong Biyernes ng madaling araw laban kina Stephan Cohen at Alex Montpelier ng France para sa puwesto sa Last 16.