INCHEON, South Korea. – Nabigong makasikwat ng medalya sa singles events, patuloy ang kamalasan ng mga Filipino bowlers sa 17th Asian Games kahapon dito.
Pumuwesto sa ika-walo sina veteran Frederick Ong at rookie Enrico Lorenzo Hernandez sa men’s doubles sa kanilang pinagulong ng 1218 at 1131, ayon sa pagkakasunod, para sa kabuuang 2349 pinfalls sa morning session ng bowling event sa Anyang Hogye Gymnasium.
Ang nasabing iskor nina Ong at Hernandez ay 153 pins ang agwat sa nangungunang sina Japanese Yoshida Daisuke (1283) at Sasaki Tomoyuki (1219) na may pinagsamang 2502.
Nakatakda namang sumabak sa aksyon sina world champion Biboy Rivera at rookie Kenneth Chua.
Sina Benshir Layoso at rookie Jo Mar Jumapao ay nagpagulong ng pinagsamang 2169 pinfalls para sa pang-19 posisyon sa morning session.
Ang Thailand at Chinese-Taipei ang kumuha sa unang dalawang gold medals sa men’s at women’s singles.
May nakataya pang gintong medalya sa trios, team of five, all events at Masters.
Si dating Asian champion Larp Apharat ang nagbigay ng gold sa Thailand sa kanyang paghahari sa men’s singles event mula sa 1390 total, habang si Chou Chia Chen ng Chinese-Taipei ang nagbida sa women’s singles sa kanyang 1291 pinfalls.
Si Ong ang namuno sa hanay ng mga Pinoy sa men’s singles event sa kanyang 1218 pins.