Laro Bukas
(The Arena, San Juan City)
9 a.m. Perpetual Help vs EAC (jrs/srs)
1 p.m. San Sebastian vs Lyceum (srs/jrs)
MANILA, Philippines - Nagtulung-tulong ang mga inasahang manlalaro ng Arellano University para kunin ang playoff sa Final Four ng 90th NCAA men’s basketball tournament matapos pitasin ang 79-70 panalo laban sa Letran College sa The Arena sa San Juan City.
Sina John Pinto, Keith Agovida, Jiovani Jalalon at Dioncee Holts ang nagbida sa 12-4 record ng Chiefs.
Nagsanib ang apat na nabanggit na manlalaro sa 51 puntos at ang Chiefs ay humataw nang husto sa huling yugto para talunin ang sibak nang Knights (6-9).
Sinandalan naman ng St. Benilde ang kabayanihan nina Paulo Taja at Mark Romero sa endgame para kunin ang 71-69 panalo kontra sa Jose Rizal.
Si Taja ay tumapos taglay ang 16 puntos at 10 rebounds at ang kanyang split sa 15-foot line ang nagbigay ng 71-69 kalamangan sa Blazers.
Nasa Heavy Bombers ang bola sa huling 3.8 segundo pero ang atake ni Michael Mabulac ay tumama lamang sa bunganga ng ring.
Tumapos si Romero na may 14 puntos kasunod ang 10 ni Luis Sinco para sa 10-5 baraha ng Blazers.