Saclag nadiskaril sa gold medal
INCHEON, South Korea -- Nabigo si Jean Claude Saclag sa hangaring bigyan ng kauna-unahang gintong medalya ang Pilipinas nang lumasap ng 0-2 pagkatalo kay Hongxing Kong ng China sa pagtatapos ng sanda competition sa Ganghwa Dolmens gymnasium kahapon dito.
Ginawa ni Saclag ang lahat para maipanalo ang laban pero nakuntento na lamang siya sa silver medal sa men’s -60kg category.
Ito ang ikalawang pilak na medalya ng Pilipinas at ikatlo sa kabuuan na lahat ay mula sa wushu.
Si Daniel Parantac ay nakakuha ng silver sa taijiquan event, habang ang sanda player sa men’s -56kg. na si Francisco Solis ay nag-ambag ng bronze medal.
Kinapos naman si Divine Wally ng isang panalo para sa medal round sa women’s 52kg., habang si Clemente Tabugara Jr. ay natalo agad sa unang laban.
Si Evita Elise Zamora ay hindi naman nakalaro dahil sa inury na tinamo habang nagsasanay sa China.
Ang pagtatapos na ito ng Pilipinas ay mas maganda kumpara sa isang bronze na naabot ni sanda athlete Mark Eddiva sa men’s 65kg. noong 2010 sa Guangzhou, China.
Ang pinakamagandang pagtatapos ng bansa sa wushu ay noong 2006 sa Doha, Qatar nang humakot si Rene Catalan ng gold sa men’s -52kg., habang si Eduard Folayang ay kumuha ng silver sa 70kg.
Tatanggap sina Saclag at Parantac ng P500,000.00 bilang cash incentive at si Solis ay may P100,000.00.
- Latest