Lumaylay ang kampanya

INCHEON, South Korea — Patuloy na inaalat ang Team Philippines ma­tapos kumawala ang ina­asahang unang gintong medalya nang mabigo si Jean Claude Saclag sa fi­nals ng wushu sa 17th Asian Games dito.

Natalo si Sac­lag kay Hongxing Kong ng China, 0-2, sa men’s Sanda-60kg para makuntento sa silver medal.

Patuloy ang pagratsa­da ng China sa paghakot ng 54 golds, 30 silvers at 26 bronzes kasunod ang South Korea (26-23-23), Japan (19-27-27) at Kazakhstan (5-6-13), habang nasa ika-19 ang Pilipinas (0-2-1).

Sa men’s boxing, nagtala ng panalo sina bantam­weight Mario Fernandez at lightweight Charly Suarez.

Sa men’s tennis, umu­sad si Patrick John Tierro sa second round matapos igupo si Ho Tin Marco Leung via straight sets, 6-2, 6-1.

Sunod na makakaharap ng Pinoy netter si Korean Hyeun Chung.

Hindi umubra si Denise Dy kay third seed si Misa Eguchi ng Japan, 6-3, 6-0 sa women’s match.

Sa kabila naman ng pag­langoy ng bagong Philippine record na 2:02.84 ay na­bigo pa rin si swimmer Jasmine Alkhaldi na umu­sad sa finals ng women’s 200m freestyle nang tumapos sa ika-9.

Binura ni Alkhaldi ang sariling record na 2:03.13 na kanyang nairehistro no­ong Hulyo ng 2013.

Sibak na rin si Jessie Khing Lacuna nang tumapos na ika-13 sa oras na 55.18 segundo sa men’s 100m breaststroke.

Pang-anim sina Pinoy ro­­wers Edgar Ilas at Nes­tor Cordova sa double sculls Final A, habang bu­­magsak si Benjamin To­len­tino Jr. sa pang-pitong puwesto sa light­weight men’s single sculls Finals B.

Show comments