MANILA, Philippines – Sisimulan nina Dennis Orcollo at Lee Vann Corteza ang pagdedepensa sa titulo sa World Cup of Pool sa pagsukat kina Alejandro Carvajal at Enrique Rojas ng Chile ngayong gabi sa Mountbatten Centre sa Portsmouth, England.
Nagtagumpay sina Orcollo at Corteza noong 2013 na ginawa sa York Hall, London laban kina Niel Feijen at Nick Van Den Berg ng Holland mula sa 10-8 iskor.
Ang host England ay binigyan ng karapatang magpasok ng dalawang teams at ang mga ito ay palaban din dahil binubuo ng mga tinitingalang manlalaro na sina Darren Appleton at Karl Boyes (A) at Daryl Peach at Chris Melling (B).
Nais nina Orcollo at Corteza na maging kauna-unahang tambalan na nakadalawang sunod na kampeonato sa ligang sinahugan ng $250,000.00 premyo.
Ito rin ang lalabas na ikatlong titulo ng Pilipinas kung magtatagumpay sina Orcollo at Corteza.
Ang unang dalawang kampeonato ay naipagkaloob ng maalamat na sina Efren “Bata” Reyes at Francisco “Django” Bustamante na nangyari noong 2006 sa Newport, Wales at 2009 sa SM North sa Quezon City.