INCHEON, South Korea – Maagang umalagwa ang perrenial overall champion China sa medal race nang makasikwat agad ng kabuuang 38 medalya sa ikaapat na araw ng kompetisyon sa 17th Asian Games dito.
Humakot ang mga Tsinoy ng 6-6-4 sa men’s division at 9-5-8 sa women’s category na naglagay sa kanila sa unang puwesto.
Mahigpit naman na bumubuntot ang host South Korea na may itinalang 7-7-5 sa men’s at 5-9-5 sa women’s na sinundan ng Japan na may 26 medalya mula sa men’s (5-2-7) at women’s (2-5-4).
Ang China, South Korea at Japan ang tanging tatlong bansa na nakapagtala ng dobleng pigura sa dalawang linggong kompetisyon na tinampukan ng mga atleta mula sa 47 bansa.
Bumabandera naman ang Vietnam sa mga bansa mula sa Southeast Asia sa kanilang pitong ginto at isang pilak kasunod ang Malaysia at Indonesia na kapwa nakakuha ng tatlong ginto, habang may dalawang ginto ang Myanmar, ang isa galing sa women’s sepak takraw, at Laos na may isang pilak.
Ang perennial SEA Games champion na Thailand ay wala pang nakakamit na medalya.
Samantala, sisimulan ni Biboy Rivera ang pagdedepensa sa kanyang men’s title sa bowling event ngayong araw sa Anyang Hogye Gymnasium.
Kabuuang 10 gintong medalya ang nakataya sa bowling.
Bukod sa singles, ang iba pang events na paglalabanan ay sa doubles, trios, team of five at Masters.
Kaugnay nito, handa na si rookie Enrico Lorenzo Hernandez na maglaro matapos magkaroon ng diarrhea.
Ang iba pang miyembro ng men’s team ay sina Frederick Ong, Boshir Layoso, Asiad rookies Jo Mar Jumapao at Kenneth Chua, habang ang ladies squad ay kinabibilangan nina veterans Liza del Rosario at Liza Clutario.