INCHEON, South Korea – Itinaas ng tambalang Edgar Ilas at Nestor Cordova ang kampanya ng Pilipinas matapos umentra sa finals ng lightweight men’s double sculls sa rowing event sa 17th Asian Games na idinaos sa Chougju Tangeum Lake Rowing Center dito.
Nagsanib ng puwersa sina Ilas at Cordova sa pagkampay ng tiyempong 1:35.93 sa 500-meter; 3:16.58 sa 1,000m; 4:58.77 sa 1,500m at 6:40.95 sa 2,000m para kunin ang unang puwesto papasok sa finals.
Tinalo nina Ilas at Cordova sina Inlee Pomtawat at Saensuk Jeruwat ng Thailand na umukopa sa ikalawang puwesto.
Bukod sa Thais ay makakalaban rin nina Ilas at Cordova ang apat pang qualifyers sa finals.
Ang tagumpay nina Ilas at Cordova ay nabahiran ng lungkot nang masibak si Benjamin Tolentino sa lightweight men’s single sculls na dinomina ni Aghel Habibian ng Iran sa oras na 7:17.30.