INCHEON, South Korea – Sasalang na sa aksyon ang Gilas Pilipinas sa pagsisimula ng kanilang kampanya sa paghablot ng gintong medalya ngayong araw sa 2014 Asian Games basketball competitions na gaganapin sa Hwaseing Sports Complex Gymnasium dito.
Nasa Group E ang Pilipinas at agad silang masusukat sa matatangkad na manlalaro ng India na itinala ang 80-61 pagdurog sa Kazakhstan at banderahan ang Group B sa pagtatapos ng preliminary round kahapon.
May 1-1 karta ang India, Kazakhstan at Saudi Arabia pero lumabas na may pinakamataas na quotient ang India bago sumunod ang tinalong koponan na umanib sa Group C kasama ang nagdedepensang China at Chinese-Taipei.
Ang laro ay itinakda sa alas-2 ng hapon (ala-1 sa Maynila) at aabante ang mananalo sa knockout quarterfinal round.
Ang 2013 FIBA Asia Men’s Championship gold medalist na Iran ang kukumpleto sa Group E at ito ay makakaharap ng Gilas sa Huwebes (Setyembre 25).
Nagkaroon ng pagkakataon na mapanood ng koponan ang India at tiyak na pagtutuunan ng depensa ay sina Joginder Singh at Anton Ponomarev.
Tumapos si Singh taglay ang 25 puntos mula sa 9-of-14 shooting, habang 16 puntos at 14 boards ang ginawa ni Ponomarev.
Ipaparada ng Gilas Pilipinas si naturalized player Marcus Douthit kasama sina Jimmy Alapag, Japeth Aguilar, Paul Lee, June Mar Fajardo, Ranidel De Ocampo, Gabe Norwood, Jared Dillinger, LA Tenorio, Marc Pingris, Jeff Chan at Gary David.
Maliban kina Douthit at Dillinger, ang ibang kasapi ay galing sa kampanya sa 2014 FIBA World Cup sa Spain.