MANILA, Philippines – Isang mahalagang 7-0 atake ang ginawa ng Tamaraws sa huling tatlong minuto sa final canto para angkinin ang No. 2 berth kasama ang ‘twice-to-beat’ advantage sa Final Four.
Tinalo ng Far Eastern University ang nagdedepensang De La Salle University, 65-60, sa kanilang playoff match sa 77th UAAP men’s basketball tournament kahapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sina guard Mike Tolomia at forward Carl Bryan Cruz ang nagbigay ng puntos para sa Tamaraws, uupong No. 2 tangan ang ‘twice-to-beat’ bonus laban sa No. 3 Green Archers sa Final Four.
Matapos kunin ang 15-12 abante sa first period ay ipinoste ng FEU ang isang 13-point lead, 27-14, sa 6:10 minuto ng second quarter matapos pakawalan ang 12-2 atake.
Sumandal naman ang La Salle kina Jeron Teng, Arnold Vosotros at Kib Montalbo para itabla ang laro sa 60-60 sa 3:26 minuto ng final canto.
“It was really hard especially coming off that loss against Ateneo,” sabi ni FEU coach Nash Racela, kailangan lamang manalo sa La Salle sa Sabado para makapasok sa UAAP Finals sa unang pagkakataon matapos ang tatlong taon.
May 8 points si Teng para sa La Salle mula sa kanyang 2-of-11 fieldgoal shooting. FEU 65 – Tolomia 19, Belo 15, Cruz 7, Pogoy 7, Jose 6, Hargrove 4, Iñigo 4, Dennison 3, Tamsi 0, Lee Yu 0, Escoto 0.
La Salle 60 – Perkins 15, Vosotros 13, Teng 8, N. Torres 8, Van Opstal 7, Montalbo 6, Sargent 3, Rivero 0, Salem 0, T. Torres 0.
Quarterscores: 15-12; 32-24; 53-50; 65-60.