INCHEON, South Korea -- Mga panalo ng dalawang sanda artists at ng men’s tennis team ang nagbigay sigla sa kampanya ng Pilipinas sa panimulang araw ng kompetisyon sa 17th Asian Games dito.
Nakitaan ng husay sina Jean Claude Saclag (men’s -60kg) at Divine Wally (women’s-52) nang pulbusin ang mga nakalaban sa round-of-32 upang lumapit sa isang hakbang tungo sa medal round sa wushu.
Sa Ganghwa Dolmens Gymnasium ginagawa ang aksyon at si Saclag, isang bronze medalist ng 2013 World Wushu Championships sa Kuala Lumpur, Malaysia, ay umiskor ng 2-0 panalo kay Lin Tun Kyaw ng Myanmar, habang si Wally, bronze medalist sa 2013 Myanmar SEA Games, ay nanaig naman kay Ho Yee Chao ng Hong Kong.
Impresibo rin ang panimula ng men’s netters nang umukit ng 3-0 panalo sa Mongolia na pinaglabanan sa Yeorumul Tennis Courts.
Hindi nakatikim ng isang set loss ang tatlong pambato ng bansa at sina Ruben Gonzales Jr. at Patrick John Tierro ay nanaig kina Badrakh Munkhbaatar, 6-3, 6-2, at Erdenebayar Duurenayar, 6-4, 6-2, sa singles, habang sina Gonzales at Treat Huey ay may 6-0, 6-0 dominasyon kina Oyunbat Baatar at Sukhjargal Sukhbaatar sa doubles.
Ang mga tagumpay na ito ang naging pakonsuwelo matapos malaglag ang inaasahang magbibigay ng kauna-unahang medalya sa Pilipinas na si weightlifter Nestor Colonia sa men’s 56-kilogram division.
Umabot ang kaba sa dibdib ni Colonia at hindi nagawang buhatin ang 120-kg bar sa tatlong attempt sa snatch para ma-DNF sa kompetisyon ginawa sa Moonlight Festival Garden
Ang mga trap shooters na sina Hagen Alexander Topacio at Eric Ang ay wala rin sa target, habang ang tatlong rowers na sumalang ay bumagsak sa repechage.
Nalagay si Topacio sa ika-33rd puwesto sa 65 puntos matapos ang tatlong rounds (22-21-22) at si Ang ay nasa mas masamang 40th place sa 63 puntos (21-21-21).
Ang Sydney Olympian na si Tolentino ay naorasan ng pitong minuto, 37.05 segundo sa 2,000m. pero sapat lamang ito para sa ikaapat na puwesto sa single sculls, habang ang magkatuwang na sina Nestor Cordova at Edgar Ilas ay may 6:54.52 tiyempo para sa pangatlong puwesto.