No. 4 ticket pag-aagawan ng Warriors at Bulldogs
Laro Ngayon
(Smart Araneta
Coliseum)
4 p.m. UE vs NU
(playoff para sa No. 4)
MANILA, Philippines - Kung hindi kakanselahin bunga ng pananalasa ng bagyong ‘Mario’ ay pag-aagawan ng Bulldogs at ng Red Warriors ang No. 4 ticket sa Final Four ng 77th UAAP men’s basketball tournament.
Nakatakdang magtuos ang National University at ang University of the East sa kanilang ‘do-or-die’ match ngayong alas-4 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum.
Kapwa nagtapos na may magkatulad na 9-5 record ang Bulldogs at ang Red Warriors kagaya ng nagdedepensang La Salle Green Archers at Far Eastern University Tamaraws na may magkaparehong 10-4 baraha sa ilalim ng No. 1 na Ateneo Blue Eagles (11-3).
Paglalabanan ng La Salle at ng FEU ang No. 2 spot bukas sa Big Dome.
Ang No. 1 at No. 2 teams ang hahawak ng ‘twice-to-beat’ advantage laban sa No. 4 at No. 3, ayon sa pagkakasunod, sa Final Four.
Ang mananalo sa NU at UE ang uupong No. 4 at lalabanan ang Ateneo sa semifinals.
Habang isinusulat ito ay walang pang desisyon ang UAAP kung kakanselahin ang laro ngayong hapon.
Nabigo ang Bulldogs na masikwat ang No. 4 berth matapos matalo sa Green Archers, 56-68, noong nakaraang Sabado.
Tinalo naman ng Red Warriors ang sibak nang University of Santo Tomas Tigers, 78-73, noong nakaraang Martes para sikwatin ang playoff.
“We have to play tough defense against NU,” sabi ni UE head coach Derrick Pumaren. They’re very patient and really move the ball well so we really got to play for 24 seconds defensively with them.”
Kasalukuyang sumasakay ang Red Warriors sa isang five-game winning streak.
Sina guard Roi Sumang, Bong Galanza at Sierra Leone import Charles Mammie ang muling mangunguna para sa Recto-based cagers.
Kumpiyansa naman si NU mentor Eric Altamirano na ibibigay ng kanyang koponan ang lahat para makamit ang No. 4 seat at makalaban ang Ateneo.
- Latest