Colonia palaban sa gold medal sa weightlifting event ng Asiad: Hahataw na ang mga Pinoy!

Nestor Colonia

INCHEON, Korea -- May pagkakataon ang weightlifter na si Nestor Colonia na bigyan ng im­pre­sibong panimula ang kam­panya ng Pilipinas sa Asian Games sa pagpun­tirya ng medalya sa men’s 56-kilogram class na gagawin sa Moonlight Festival Garden dito.

Sa ganap na alas-7 ng gabi (6 p.m. sa Manila) mag­sisimula ang aksyon at malakas ang tsansa ni Colonia na pumasok sa medal race dahil sa magandang ipi­nakita sa paghahanda sa ilalim ng coach at tiyuhin na si Gregorio Colonia.

“Ang personal best na niya ay nasa 280 kgs, at ka­yang magmedal ito kung mauulit niya sa kompetis­yon,” wika ng nakatatandang Colonia.

Ito ang ikalawang Asian Games ni Colonia at tuma­pos siya sa ikaanim na pu­westo sa 2010 Guangzhou, China sa buhat na 255 kgs.

Ang gold medalist noon ay si Wu Jingbao ng China na nakabuhat ng 285 kgs.

Si Wu na nanalo ng pilak sa 2012 London Olympics sa mas mataas na 289 kgs. ay magbabalik at ang inaasahang mabigat niyang kalaban ay ang Olympic gold medalist na si Yunchol Om ng North Ko­rea na gumawa ng 293 kgs.

May iba pang Filipino athletes ang mauunang sumalang sa aksyon ito ay  sina trap shooters Eric Ang at Hagen Alexander Topacio ang siyang magpapasimula sa laban ng bansa sa qualification round sa ga­nap na alas-9:30 ng uma­ga sa Gyeonggido range.

Sasabak na rin sa paluan ang mga Pinoy netters na sina Dennis Dy at Katha­ri­na Melissa Lehnert sa ka­babaihan at Fil-Ams Ruben Gon­zales Jr. at Treat Huey bukod kay Patrick John Tierro.

Sina Benjamin Tolentino (lightweight single sculls) at ang tambalang Nestor Cordova at Edgar Ilas (lightweight double sculls) ang kakampanya sa rowing sa Chungliu  Tanguem Lake habang ang mga sanda na sina Jean Claude Saclag (men’s 60-kg), Francisco Solis (men’s 56-kg)  at Divine Wally (women’s 60-kg) ang lalaban sa preliminary round.

Ang ikaapat na sanda artist na si Evita Elise Za­mora ay hindi na nakasali sa women’s 60-kg matapos ang knee injury.

Si Chief of Mission at PSC chairman Ricardo Gar­­cia ang mangunguna sa pagsuporta sa mga at­leta.

 

Show comments