NCAA games kinansela
MANILA, Philippines - Sa ikalawang pagkakataon sa linggong ito ay kinansela ng NCAA Management Committee ang nakatakdang laro sa basketball dahil sa masamang panahon.
Ang laro sa pagitan ng Letran Knights at St. Benilde Blazers at Jose Rizal University Heavy Bombers at San Sebastian Stags sa The Arena sa San Juan City ay ipinagpaliban dahil sa walang tigil na pagbuhos ng malakas na ulan dala ng Habagat na hinahatak ng bagyong ‘Mario’.
Noong Lunes ay kinansela rin ang dapat sana ay tagisan ng Mapua Cardinals at Blazers bukod sa Stags at Perpetual help Altas dulot ng pagdating ng bagyong ‘Luis’.
Maging ang iba pang laro sa pinakamatandang collegiate league sa bansa kahapon na table tennis ay kinansela rin.
“All NCAA events (basketball and table tennis) are cancelled today, September 19, 2014 based on the announcement of no classes in all levels in Metro Manila due to heavy rains and flooding,” wika ni NCAA Management Committee chairman Paul Supan ng host Jose Rizal University.
Pag-aaralan kung paano at kailan gagawin ang naudlot na dalawang laro.
Ang orihinal na iskedyul para matapos ang double round elimination sa 10-koponang liga ay sa Oktubre 4 kaya’t kasama sa magiging plano kung puwedeng isingit ang apat na naudlot na laro para matiyak na matatapos ang liga bago sumapit ang semestral break.
- Latest