MANILA, Philippines - Kagaya ng dapat asahan, pinalantsa muna ni guard Paul Lee ang kanyang problema sa Rain or Shine bago sumama sa Gilas Pilipinas patungong Incheon, Korea para sa 17th Asian Games.
Sa halip na ang orihinal na alok na maximum deal na nagkakahalaga ng P15.1 milyon na may monthly salary na P420,000 ay mas pinili ng kampo ni Lee na pumirma ng isang two-year contract.
Ang bagong kontrata ni Lee ay nagkakahalaga ng P10.08 milyon.
Ang naturang hakbang ng grupo ni Lee ay indikasyon na itutuloy pa rin nila ang planong paglipat ng dating Red Warrior ng University of the East sa ibang koponan sa 2017.
Nakasama ni Lee sa pagpunta sa opisina ng Elasto Painters ang kanyang agent na si Lawrence Chongson.
Sa harap ni Atty. Mamerto Mondragon, ang kinatawan ng Rain or Shine sa PBA Board of Governors, ay nilagdaan ni Lee ang two-year deal.
“They have a valid reason, they said that the maximum salary might go up again after two years. So they’re keeping that option open,” sabi ni Mondragon sa kampo ni Lee.
Si Chongson ang nagparating sa Rain or Shine ng paghiling umano ni Lee na mai-trade sa ibang koponan habang nasa Spain ang Gilas Pilipinas para sa 2014 FIBA World Cup.