INCHEON, Korea-- Natauhan na si Geylord Coveta mula sa kanyang pagkakahirang bilang Philippine flag bearer para sa parada sa pagsisimula ng 17th Asian Games dito.
Si Coveta ang magiging isa sa dalawang Filipino world champions na mangunguna sa martsa na kabibilangan ni Chief of Mission at Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Ricardo ‘Ritchie’ Garcia at ilang atleta at opisyales ng POC-PSC Asian Games Task Force.
Dadalhin ni Coveta, nakamit ang RS: One World Championship ng windsurfing noong 2012 sa Boracay, ang watawat kasunod ang delegasyon na isang karangalan na gumulat sa kanya.
“Ako po, flag bearer?” ang reaksyon ni Coveta matapos ibalita ni Garcia ang pag-atras ni basketball player Japeth Aguilar na nakatakdang dumating dito bukas kasabay ang Gilas Pilipinas.
Nauna nang tinanggap ni Aguilar ang pagiging flag bearer ngunit sasama pa lamang ang Gilas Pilipinas sa Asiad Team isang araw matapos ang opening ceremonies.
“Hindi po ako makapaniwala noong ibinigay sa akin ang karangalan para sa bayan,” wika ng 33-anyos na si Coveta, nahikayat sumabak sa windsurfing ng mga dating national athletes na nagsasanay sa beaches sa Anilao.
“Nagustuhan ko lang sila nu’ng pinapanood ko sila sa training. Sumali na agad ako nu’ng kinausap nila ako,” wika ni Coveta, makikita sa aksyon kasama ang tatlong sailors sa Setyembre 24 sa Wangsan Sailing Marina.
Si Josie Gabuco, ang world women’s boxing champion, ang tanging Filipino athlete na nasa kalibre ni Coveta.
Ang flyweight na si Gabuco, kasama si lightweight Nesthyn Petecio ang babandera sa bansa sa boxing events na magsisimula sa Setyembre 24 sa Anyang Hogye Stadium.
Sina veteran international campaigners Mark Anthony Barriga (light flyweight) at Charly Suarez (lightweight), ay sasabak din sa kanilang mga events.
Pinamunuan ni Garcia ang Philippine delegation sa flag raising ceremony sa Athletes’ Village Flag Plaza matapos ang mga Middle Easten countries na Syria at Qatar.
Ang Pilipinas ay may kabuuang 150 atleta na sasabak sa 27 sports.
“We are now officially part of the Games. Some of our athletes are here and have started training in their respective training and competition venues,” sabi ni Garcia.
“No team will slacken until we have achieved our goals in these Games.”
Hangad ng bansa na malampasan ang nakuhang 3 gold, 4 silver at 9 bronze medals sa Guangzhou, China noong 2010.
“Our faith in this team, composed mostly of young Filipino sports achievers and a smattering of veterans for leadership, is firm. This is a team that has potential based on their credentials,” dagdag pa ni Garcia.
Ang mga koponan ng bansa sa swimming, wushu, lawn tennis, shooting, gymnastics, sailing, judo, weightlifting at bowling ang mga naunang grupong dumating dito.
Mapapanood nila ang opening ceremonies na inihanda ng Incheon Asian Games Organizing Committee (IAGOC), ang punung-abala sa quadrennial event sa ilalim ng general theme na: “Dream of 4.5 Billion People, Unified Asia.”
Itatampok sa opening ceremonies ang mga atleta sa ilalim ng temang: “Meet the Future of Asia” sa pamamagitan ng video presentations na magtatampok sa kontribusyon ng Korea sa sports.
Ito ang ikalawang pagkakataon na ang Korea ang mamamahala sa Asiad matapos noong 2002 Busan Asian Games.