MANILA, Philippines - Mabibiyayaan din ang mga nabiktima ng bagyong ‘Yolanda’ mula sa panalo ng National University Pep Squad sa UAAP Cheerdance Competition noong Linggo.
Sa Thanksgiving Party kahapon sa NU gym, ibinigay ng mga kasapi ng pep squad ang tsekeng nagkakahalaga ng P200,000.00 sa SM Foundation para makatulong sa pagpapatayo ng isang bahay na ibibigay sa nabiktima ng bagyo noong nakaraang taon.
Ang halagang ito ay ibinawas sa P340,000.00 premyo nang mapagtagumpayan ng NU ang maidepensa ng titulo sa UAAP Cheerdance.
“Sobra-sobra na ang blessing na nakukuha namin sa Itaas kaya nararapat lang siguro na ibahagi naman ito sa mga nangangailangan,” wika ni NU Pep Squad coach Ghicka Bernabe.
Dahil sa ginawa ng mga alaga, maging si team sponsor Macario Gaw Jr. ay nagbigay din ng kanyang bahagi nang tinapatan niya ang halagang ito galing sa sariling bulsa.
“As the team sponsor, I am obliged to follow the example set by these athletes. I am also contributing P200,000.00 to the Foundation to make it two houses for the Yolanda victims,” pahayag ni Gaw.
Ipinakita ng mga kasali ng koponan ang kanilang winning performance sa harap ng mga kapwa mag-aaral bukod pa sa mga NU officials.
“After winning again in the UAAP, we plan to represent the country in an international cheerdance competition. Wala pa naman itong kasiguraduhan pero we are pushing for it for us to improve on our level at para malaman kung saan kami kung sa international level ang pag-uusapan,” pahayag ni team manager Patricia Chunsim.
Tiniyak din ng pamunuan ng koponan na pagsisikapin nila na palawigin ang pagdodomina sa kompetisyon sa susunod na taon at maaga silang magpeprepara lalo pa’t 14 sa 30 regular members ang mawawala na dahil sa graduation.