MANILA, Philippines – Pagkakataong maipakita ang kanilang kakayahan na maaring hindi nila makuha sa ibang koponan ang siyang sinasandalan ng Blackwater Elite sa mga kinuhang manlalaro para bumalikat sa kampanya sa PBA All Filipino Cup na magbubukas sa Oktubre 27.
“Ang mga kinuha naming players ay mga players na binitiwan ng kanilang mga dating koponan. Ito ay kanilang pagkakataon para maipakita na puwede pa silang maglaro sa PBA,” wika ni coach Leo Isaac sa team presentation kahapon sa Tao Yuan Restaurant sa Malate, Manila.
Ang mga manlalarong bubuo sa koponang pag-aari ni Dioceldo Sy ay sina JR Cawaling, Paul Artadi, Eddie Laure, Narciso Llagas, Bambam Gamalinda, Bryan Faundo, Gilbert Bulawan, Bacon Austria, Frank Golla, Ogie Menor, Chris Timberlake, Robby Celiz, JP Erram, Juami Tiongson, Alex Nuylesd at Brian Heruela.
“This team is a mixture of veterans and new players. We are expecting our players to give their best in every game and to make sure that all our opponents will have to play hard against us,” wika ni Sy.
Ang kapatid ni Dioceldo na si Silliman Sy ang siyang Board of Governor ng expansion team habang ang mga assistant coaches ay sina Patrick Aquino at Aris Dimaunahan.
Dumating din sa presentation si PBA Commissioner Atty. Chito Salud at nakikita niyang maraming pahihirapan ang Elite sa nalalapit na pagbubukas ng 40th season ng pro league.
“Maaaring baguhan ang Blackwater sa PBA pero ang team, ang kanilang coach na si Leo at ang team owner na si Dioceldo ay matagal na sa basketball. May pedigree ang team na ito kaya alam nila kung paano bumuo ng panlabang koponan. Hindi sila agad magiging championship contender pero tiyak na magiging palaban sila sa bawat laro na makakatulong para masigla ang kompetisyon sa PBA,” banggit ni Salud.