MANILA, Philippines – Magkakaroon ng playoff para sa ikaapat at huling upuan sa Final Four matapos manalo ang host UE Red Warriors sa UST Tigers, 78-73, sa pagtatapos ng 77th UAAP men’s basketball elimination round kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Sina Pedrito Galanza, Dan Alberto at Roi Sumang ay gumawa ng 17, 15 at 10 puntos habang ibinuhos ni Charles Mammie ang lahat ng pitong puntos sa second half para makakalas ang Warriors mula sa dikitang first half na kung saan angat lang sila ng isa, 36-35.
Tinapos ng Warriors ang kampanya sa unang ikutan bitbit ang 9-5 baraha para makasalo ang pahingang NU Bulldogs.
Dahil dito, ang UE at NU ay magkikita uli sa Sabado para malaman kung sino ang aabante sa semifinals at makakaharap ng Ateneo Blue Eagles.
Samantala, nanatili sa unang puwesto ang Eagles nang ibasura ni commissioner Andy Jao ang protesta na inihain ng FEU Tamaraws base sa correction sa iskor ng laro sa huling 27 segundo.
Pumukol ng triple si Von Pessumal sa 3:20 ng laban pero ibinilang lamang na dalawang puntos.
Ipinaliwanag ni Jao na 3-pointer talaga ang buslo ni Pessumal dahil dalawang referee ang nagtaas ng kanilang mga kamay para ipakita na 3-point attempt ang ginagawa ng Ateneo player.
Pero nagkamali ng pasok sa scoreboard ang scorer ng liga upang magkaroon ng kalituhan.
Idinagdag pa ni Jao na nasa batas ng liga ang correction na ginawa ng game officials sa kanyang patnubay dahil ginawa ito bago natapos ang huling yugto.
Nakasaad sa UAAP rules na ang review at correction ay puwedeng gawin sa unang dead ball, unang timeout o bago matapos ang period na pinangyarihan.
“We had to make the correction because we knew it was the right thing to do,” wika ni Jao. “I therefore find no error in technicality with our correction of the 2 points shot to a 3 point conversion. I am upholding the victory of ADMU in that game.”
Ipinadala ni Jao ang kanyang liham kay FEU coach Nash Racela at may kopya rin sina UAAP President Carmelita Mateo ng UE at FEU Board members Anton Montinola at Josie De Leon.
Hindi hinayaan ng Adamson Falcons na mauwi sa winless season ang kampanya nang bawian ang UP Maroons, 67-63, sa ikalawang laro.
UE 78 – Galanza 17, Alberto 15, Sumang 10, Varilla 9, Javier 8, Mammie 7, Palma 4, Arafat 3, Guiang 2, Olayon 2, Jumao-as 1.
UST 73 – Mariano 18, Daquioag 16, Abdul 13, Pe 9, Lo 7, Sheriff 6, Vigil 4, Basibas 0.
Quarterscores: 15-17, 36-35, 60-50, 78-73