Nutrition program susi ng NU Pep Squad sa tagumpay
MANILA, Philippines – Hindi lamang ang mga atletang nasa iba’t-ibang palakasan ang nangangailangan ng sports nutrition kundi pati ang mga manlalaro sa cheerleading.
Ito ang ibinahagi ng pamunuan ng National University Pep Squad na isa sa malaking dahilan kung bakit nagawa nila ang maka-back-to-back sa UAAP Cheerdance Competition noong Linggo sa Smart Araneta Coliseum.
Ayon kay sports nutritionist Glena Grace Estrera, alaga ang manlalaro ng mga bitamina at gatas dahilan kung bakit kahit ang mga manlalaro na nagkaroon ng injuries ay nakapag-perform pa.
“Kung may isang milyon ay ganoon ang halaga ng ginagastos para sa sports nutrition ng mga bata. Hindi kasi pare-pareho ang pagkain nila dahil sa kanilang kultura kaya’t kailangang bawiin ito sa mga bitamina at iba pang supplements,” wika ni Estrera na nanilbihan din sa Philippine Sports Commission (PSC) noong si Sonny Rose Orbeta ang namumuno sa Philippine Center for Sports Medicine.
Sa all-out na suporta ni team manager Macario Gaw Jr. ay naibigay ang lahat ng pangangailangan ng koponan para mangyari ang inaasam na tagumpay.
“Bilang kanilang supporter, proud na proud ako sa kanila dahil matagal nang walang nakaka-back-to-back sa kompetisyong ito. Pinatunayan lamang nila na hindi nasayang ang lahat ng kanilang paghihirap,” wika ni Gaw.
Ang hamon ngayon para sa koponang hinuhubog ni coach Ghicka Bernabe ay kung paano paaabutin sa three-peat ang kanilang pagdodomina sa liga.
Mahirap ito dahil 14 sa 30 regular members ng koponan ay mawawala na dahil sa graduation. (AT)
- Latest