MANILA, Philippines – Tulad noong nakaraang taon, isang Fil-foreigner ang ginawang number one pick sa 2014 PBA D-League Draft kahapon sa PBA Office sa Libis.
Si Moala Tautuaa ang siyang kinuha ng Cagayan Valley para sandalan sa hangaring maibangon ang koponan mula sa di magandang ipinakita sa liga noong nakaraang taon.
Ang 6’7 Fil-Tongan ay naglalaro pa sa ngayon sa ASIAN Basketball League (ABL) at inaasahang mararamdaman ang puwersa sa unang conference na Aspirants’ Cup na magbubukas sa Oktubre 27 sa Ynares Sports Arena, Pasig City.
Noong nakaraang taon ay si Fil-Italian guard Chris Banchero ang kinuha ng Boracay Rhum bilang top pick pero hindi niya naipasok sa championship ang koponan sa Aspirants’ Cup at Foundation Cup.
Si Chris Newsome ng Ateneo ang kinuha ng Tanduay Light (dating Boracay Rhum) bilang number two pick habang ang twin towers ng La Salle na sina 6’9 Arnold Van Opstal at 6’7 Norbert Torres ay pinili ng Café France-CEU at Cebuana Lhuillier sa third at fourth picks.
Ang Jumbo Plastic na ikalima na regular team na maglalaro uli ay kinuha si Fil-Am guard Kris Rosales.
Pitong baguhan ang sasali at ang mga ito at ang kanilang first rounders ay sina Anthony Hargrove ng M-Builders-FEU, Rob Haingan ng Wangs Basketball, Fabien Redoh ng Racal-St. Clare, Maverick Ahanmisi ng Hapee-San Beda, Rizalde Angeles ng AMA Titans, Wowie Escosio ng MP Hotel at John Azores ng Bread Story-Lyceum.
Ang kamador ng UE na si Roi Sumang ay kinuha ng Tanduay Light sa second round habang ang iba pang napili ay sina Jonathan Grey (Cagayan), Bong Galanza (Café France), Bradwyn Guinto (Cebuana), Jerramy King (Jumbo Plastic), Archie Inigo (M-Builders), Joseph Ambohot (Wangs), Elmer Managuelod (Racal), Chris Javier (Hapee), Josue Diswe (AMA), Rashwan McCarthy (MP Hotel) at Joseph Gabayni (Bread Story).