MANILA, Philippines – Minalas ang Gilas Pilipinas na makapasok sa knockout stage ng 2014 FIBA World Cup ngunit naipakita ng mga Filipino sa mundo ang kanilang masidhing damdamin sa laro na nagbigay sa kanila ng Basketball World Cup Most Valuable Fan (MVF) country category.
Ito ay inihayag sa halftime ng US-Serbia finale.
Bilang tribute sa Pilipinas, isang video ng Gilas Pilipinas at ng mga fans sa kanilang pinakamadamdaming sandali sa World Cup ang ipinakita sa halftime break.
Sinabi ng Fiba.com na ang konsepto ng MVF ay direktang inspirasyon mula sa Most Valuable Player award, ang pinakamataas na karangalan na ibinigay sa best player sa isang basketball competition.
Sa pamamagitan ng MVF, ginamit ng FIBA ang full spectrum ng digital at social media para maipabatid ang flagship event bago ang tip-off.
Samantala, nakuha ng 23-anyos na Barcelona native na si Ismael Terron Panadero ang individual category ng MVF campaign.
Ang kanyang premyo ay ang panonood sa courtside sa center line ng gold medal match sa pagitan ng USA at Serbia.
“It’s an amazing experience. This is the most memorable moment of my life. I’m really thankful to FIBA and the Basketball World Cup for this opportunity,” wika ni Panadero sa isang Fiba.com news.