MANILA, Philippines - Naisama ang pangalan nina Joseph Macaladlad at Criselyn Jaro sa mga mananakbo na maglalaban sa 38th National Milo Marathon Finals sa Disyembre 7 sa Mall of Asia sa Pasay City.
Ang dalawang runners ang nanguna sa 21-kilometer gualifying race na ginawa sa Lipa City, Batangas.
Napagtiyagaan ni Macaladlad na tahakin ang basa at madulas na kalye para maisumite ang pinakamabilis na tiyempo na isang oras, 17 minuto at 14 segundo.
Pumangalawa si Greg Vincent Osorio sa 1:19:25 habang si Jay Laya ang pumangatlo sa 1:19:43.
Natuwa si Milo Sports executive Andrew Neri sa mga sumali na hindi inalintana ang masamang panahon.
Ang local runner na magtatala ng pinakamabilis na oras sa National Finals ay makakasali sa Tokyo Marathon sa susunod na taon.
Ito ang ika-50th taon ng Milo sa Pilipinas at bibigyan ito ng ningning sa pamamagitan ng pagbibigay ng running shoes sa mga nabiktima ng bagyong Yolanda sa Tacloban.
Nakatakda naman ang iba pang qualifying race sa Iloilo sa September 21, bago tutungo sa Bacolod (September 28), Tagbilaran (October 5), Cebu (October 12), Butuan (October 19), Cagayan De Oro (November 9), General Santos (November 16), at Davao (November 23).
Ang patakbong ito ay naisagawa sa tulong ng Timex, Bayview Park Hotel Manila, ASICS, Lenovo, Manila Bulletin at Gatorade, na may endorsement mula sa Department of Education, Philippine Sports Commission at Philippine Olympic Committee.