LAS VEGAS--Bago ang welterweight rematch sa pagitan nina Floyd Mayweather Jr. at Marcos Maidana ay sinabihan na ni Floyd Mayweather Sr. ang kanyang anak na huwag labanan ang 31-anyos na Argentine contender.
Naglaban na ang dalawa noong Mayo 3 kung saan sinabi ni Mayweather Sr. na gumamit ng ‘dirty tactics’ si Maidana.
“That was a dirty fight,” sabi ni Mayweather Sr. “I told my son, ‘I wouldn’t fight him no more.”
Sa kanilang rematch sa MGM Grand Garden Arena ay muling nakitaan ng maruming laban si Maidana.
Sa huling minuto sa eighth round ay tila kinagat ni Maidana ang kaliwang kamay ni Mayweather habang sila ay magkayakap.
Pinabulaanan naman ito ni Maidana.
Galit na nagreklamo si Mayweather kay referee Kenny Bayless na hindi naman binawasan ng puntos si Maidana.
Ngunit sa huli ay nakamit ni Mayweather ang kanyang ika-47 sunod na panalo kasama ang kanyang 26 knockouts matapos kunin ang unanimous decision win laban kay Maidana (35-4, 31 knockouts) para mapanatiling suot ang World Boxing Association at World Boxing Council welterweight titles.
Nag-init ang laban sa second round matapos makakunekta si Mayweather ng ilang solid right hand counter shots.
Rumesbak naman si Maidana sa third round kung saan niya inipit sa sulok si Mayweather at nakatama ng overhand right sa pagtunog ng bell.
Nakakonekta si Maidana sa fourth round at kumamada naman si Mayweather sa fifth hanggang sixth round.
Matapos ang laban ay sinabi ng 37-anyos na si Mayweather na gusto niyang makalaban si Manny Pacquiao.
“If the Manny Pacquiao fight can happen, let’s make it happen. But Manny Pacquiao needs to focus on the fight that he has in front of him. If he can get past that fight, let’s make it happen,” sabi ni Mayweather.