Gilas players puwede pang palitan sa Asiad

MANILA, Philippines - Binigyan pa ang Gilas Pilipinas ng pagkakataon na makapagpalit ng manlalaro sa team managers meeting sa men’s basketball sa Asian Games sa Incheon, Korea.

Naunang naipasok ni PSC chairman at Chief of Mission Ricardo Garcia sina Marcus Douthit at Jimmy Alapag para palitan sina Andray Blatche at Jayson Castro.

Si  Blatche ay hindi puwedeng maglaro dahil sa 3-year residency rule habang si Castro ay may injury. Kasabay nito ay ang pagpapahintulot pa sa Gilas na magpalit ng manlalaro sa team managers meeting na maaaring kaila­nganin dahil sa mga injuries na tinamo ng key pla­yers matapos ang FIBA World Cup.

Sina Paul Lee, Marc Pingris at Castro ay may iniinda sa katawan.

Sinabi ni team manager Aboy Castro na puwedeng magpalit pa ng manlalaro ang koponan ngunit ang ku­kunin nilang pamalit ay ang players na nakasama habang nagpeprepara ang  Pambansang koponan para sa World Cup.

Pero kung si Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) vice chairman Ricky Vargas ang tatanungin, hindi na kailangang magpalit lalo na kung mismong sina Castro, Lee at Pingris ang magsasabi na handa silang maglaro sa koponan.

Sa desisyon ni Castro, ang mga manlalaro na puwedeng pagpilian sakaling mangailangan ng pagpapalit ay sina Anthony Washington at Beau Belga.

Si Jared Dillinger na hindi nakapaglaro sa World Cup ay kasama sa maglalaro sa Incheon Games.

 

Show comments