MANILA, Philippines - Tinokahan kahapon si Geylord Coveta, ang 2012 World champion sa windsurfing para maging flag bearer ng Pambansang delegasyon na lalahok sa Asian Games sa Incheon, Korea.
Nangailangan si PSC chairman at Chief of Mission Ricardo Garcia na magpalit ng flag bearer dahil hindi pupuwede si 6’9 national basketball player Japeth Aguilar.
Umatras si Aguilar matapos magdesisyon ang Gilas management na sa Setyembre 23 na umalis patungong Incheon para magkaroon ng dagdag pahinga ang manlalaro.
Galing sa pagsali ang Nationals sa FIBA World Cup na kung saan nakaisang panalo sa limang laro ang Pilipinas laban sa Senegal.
Karapat-dapat naman si Coveta sa puwesto wika ni Garcia.
“He is a World champion and Asian champion. I really wanted basketball but they declined. Coveta will be a good flag bearer,” wika ni Garcia.
Si Coveta ay makakasama sa mga aalis sa Setyembre 15 para magkaroon ng pagkakataon na magamayan ang venue at klima sa Incheon.
Bukod kay Coveta ay aalis din ang mga kasamahan na sina Ridgely Balladaes, John Harold Madrigal at Whok Dimapilis.
Ang rowing team na sina Roque Abala Jr., Alvin Amposta, Nestor Cordova, Edgar Ilas at Benjamin Tolentino Jr. ay tutulak din sa nasabing petsa kasama pa sina shooters Hagen Topacio at Eric Ang.
Ang mga nabanggit na atleta ay tutulak patungong Incheon sakay ng Korean Air. Sa Setyembre 17 ay aalis naman ang lawn tennis, fencing at wushu, ang athletics ay aalis sa Setyembre 24 at ang soft tennis ay lilisan sa Setyembre 26.
Ang iba pang alteta ay ililipad ng Philippine Air Lines at bagamat hindi pa naisasapinal ang flight schedule, sa Setyembre 17 at 18 sinasabing magkakaroon ng pinakamalaking bilang ng aalis.
May 150 atleta ang babalikat sa laban ng Pilipinas na maghahangad na higitan ang tatlong ginto, apat na pilak at siyam na bronze medals na napanalunan ng bansa noong 2010 sa Guangzhou, China. (ATan)