France pinatalsik ang Spain sa World Cup

Si Boris Diaw ng France laban kay Juan Carlos Navarro ng Spain  

MANILA, Philippines -  Malalaking upsets ang bumulaga sa FIBA World Cup matapos talunin ng France ang host Spain, 65-52, habang sinibak ng Serbia ang Brazil, 84-56, para maitakda ang kanilang semifinal clash.

Lalabanan naman ng nagdedepensang United States ang Lithuania sa unang semifinal duel sa Barcelona sa Huwebes.

Magtatagpo ang mga Serbs at French sa Madrid sa Biyernes.

Hinulaan nang lalabanan ang mga Americans para sa kampeonato, ang mga Spaniards ay ginitla ng French side na hindi naibandera ang ilan sa mga top players nito kabilang si four-time NBA champion Tony Parker ng San Antonio Spurs.

Bumandera ang France sa simula hanggang sa katapusan at muntik nang magkarambulan ang Spain sa third quarter.

Umiskor si forward Boris Diaw ng 15 points at humakot ng 5 rebounds para sa France, habang nagdagdag si Thomas Heurtel, ng 13 markers at 4 assists.

“It was a very bad match, we weren’t in the game at any point in time and that’s why we are out,” sabi ni Spain playmaker Sergio Rodriguez sa Cadena Ser radio.

Nagposte rin ng upset ang Serbia matapos patalsikin ang Brazil.

Nauna nang sinibak ng Serbs ang Greece sa round of 16.

Tumipa si playmaker Milos Teodosic ng 23 points para sa Serbia na naghulog ng isang 21-2 bomba sa dulo ng first half at hindi na nilingon pa ang Bra­zilians.

 

Show comments