Pinas pursigidong makuha ang hosting ng FIBA World Cup

MANILA, Philippines -  Magkakaroon ng record na 32 koponan para sa susunod na edisyon ng FIBA World Cup kung saan ang host country ay hindi na dadaan sa two-year qualification period.

Itatampok sa nasabing qualification period ang six home-and-away windows mula Nobyembre ng 2017 hanggang Pebrero, Hunyo, Setyembre at Nobyembre ng 2018 at Pebrero ng 2019.

Layunin ng Pilipinas na pamahalaan ang 2019 edition at sinabi ni PLDT chairman/SBP president Manny V. Pangilinan, kamakailan ay tinanggap ang imbitas­yon ni FIBA secretary-ge­neral Patrick Baumann na mapabilang sa FIBA Central Board, na apat hanggang walong venues ang ilalaan para sa torneo.

Ngayong 2014 FIBA World Cup, inilaro ang group stage sa apat na ve­nues sa Spain.  Ang mga ito ay sa Bilbao, Granada, Seville at Gran Canaria.

Ang Madrid at Barcelona ang venue para sa knockout Round-of-16 ng 2014 FIBA World Cup.

Ang format para sa 2019 tournament ay hindi pa napapanalisa ngunit ang group stage ang hahati sa 32 koponan sa apat na brackets.

Kung apat na brackets ang gagamitin, ang preliminaries ay magkakaroon ng walong koponan sa bawat grupo.

 Kung walong brackets ang gagamitin ay magkakaroon naman ng tig-apat na koponan kada group na lalaruin sa walong venues.

 

Show comments