MANILA, Philippines - Makakamit ng 12 kasaling koponan sa PBA D-League ang hangaring mapalakas ang tsansa sa titulo sa makukuhang bagong manlalaro gamit ang drafting.
Sa Lunes, sa PBA office sa Libis, Quezon City, gagawin ang unang aktibidades para sa 2014-15 season ng liga at tiyak na puno ng talento ang makukuhang manlalaro dahil sa pagpasok ng mga Fil-foreigners at mahuhusay na collegiate players.
Nasa 155 ang bilang ng pagpipilian at tiyak na ang mata ay nakatuon kay Fil-Tongan Moala Tautuaa.
Si Tautuaa ay isang 6’7 center na ngayon ay naglalaro sa KL Dragons sa ASEAN Basketball League at naghahatid ng 11.73 puntos, 7.36 rebounds at 1.45 assists matapos ang 11 laro.
Inaasahang ang mata ay ipupukol din kina 5’11 guard Jerramy King na nasama pero hindi napili sa 2014 NBA Draft, Leo de Vera, Chris Newsome at Joseph Eriobu Jr. na naglalaro sa San Sebastian, Ateneo at Mapua sa UAAP at NCAA, ayon sa pagkakasunod.
Hindi naman magpapahuli ang homegrown talents dahil nasa listahan sina Almond Vosotros, Arnold Van Opstal at Yutien Andrada ng La Salle, Nico Elorde at Von Pessumal ng Ateneo, Roi Sumang ng UE, Bradwyn Guinto ng San Sebastian, Andrew Estrella ng Mapua, Javee Mocon at John Ludovice ng San Beda.
May 12 teams ang magtutuos sa unang conference na magbubukas sa Oct. 27 at anim dito ang regular teams.
Ang Cagayan Valley ang siyang may tangan sa number one pick bago sumunod ang Tanduay Light (dating Boracay Rhum), Café France, Cebuana Lhuillier, Jumbo Plastic at Wangs Basketball.
Ang mga bagong koponan ay ang AMA University, Bread Story, Hapee Toothpaste, M-Builders, MP Hotel at Racal Motorsales Corp. Idedetermina ang kanilang ranking sa pagpili sa isang lottery na gagawin bago simulan ang drafting. (ATan)