MANILA, Philippines – Mataas ang paniniwala ng pamahalaan na muling maipapakita ng mga atletang ipadadala sa Asian Games ang kanilang pagiging world class athlete sa paghatid uli ng karangalan sa bansa.
Sa mensahe ni Pangulang Benigno Aquino III na binasa ni Jose Rene Almendras sa send-off kahapon sa Philsports Arena, binanggit ang mga panalo na nakuha ng mga naunang atleta na nangyari dahil sa kanilang disiplina at puso.
“Sports is not only about physical and mental ability of the athletes, it is all about discipline and heart,” wika ni Almendras.
Mahalaga rin ang suporta na ibinigay ng PSC at POC habang ipinaalala rin ng speaker ang 100 milyon Filipino na nananalangin sa kanilamg ikatatagumpay.
Nagbigay ningning pa sa seremonya ang paggawad ng P2.5 milyon insentibo kay Luis Gabriel Moreno matapos bigyan ng ginto ang Pilipinas sa Youth Olympic Games sa Nanjing China sa larangan ng Mixed International event sa archery.
Nasungkit ni Moreno ang naturang ginto matapos makipagtambal sa Chinese archer na si Li Jiaman.
Nananalig sina PSC chairman at Chief of Mission Ricardo Garcia at POC president Jose Cojuangco Jr. na magsisilbing inspirasyon sa mga atleta ang nakuhang insentibo ni Moreno para magpursigi sa Asiad.