Send-off ceremony ng Phl team sa Asiad kasado na

MANILA, Philippines -  Magsasama-sama nga­­yon ang mga sports at go­vernment officials sa hanga­ring pataasin ang morale ng 150 Pambansang atleta na lalaban sa Asian Games sa Incheon, Korea sa send-off ceremony ngayon sa Philsports Arena sa Pasig City.

Si Jose Rene Almendras na Secretary to the Cabinet of the Philippines, ang siyang kakatawan kay Pangulong Benigno Aquino III at magbibigay ng pana­nalita para lalong ma-inspire ang mga manlalaro.

Naunang inimbitahan si P-Noy sa pagtitipon na inihanda ng Philippine Sports Commission (PSC) at Philippine Olympic Committee (POC) pero may mahala­gang bagay na dapat asikasihin ang pinakamataas na opisyal ng Pilipinas upang ipadala bilang kanyang kinatawan si Almendras.

Hindi naman ito ang unang pagkakataon na haharap ang dating Energy Secretary sa mga atleta dahil sa send-off ceremony para sa 2012 London Olympics ay siya rin ang naghatid ng mensahe ng Pangulo.

Sina PSC chairman Ricardo Garcia at POC president Jose Cojuangco Jr. ang mangunguna sa kanilang hanay at sasamahan din sila ng mga National Sports Association (NSA) officials bukod sa iba pang kasapi ng national pool.

Bago ang seremonya ay iseselebra muna ang isang misa sa ganap na alas-5 ng hapon.

Hanap ng ipadadalang delegasyon ang mahigitan ang tatlong ginto, apat na pilak at siyam na bronze me­dals na napanalunan ng delegasyong ipinadala sa Guangzhou, China  noong 2010.

Kasama sa haharap sa mga atleta ay ang 16-anyos na si Luis Gabriel Moreno na pinalad na nanalo ng gintong medalya sa Youth Olympic Games sa Nanjing, China kasama ang Chinese archer na si Li Jiaman.

 

Show comments