Perpetual, Jose Rizal kakalas para sa solo No. 3

MANILA, Philippines -  Maghihiwalay ng landas ngayon ang Perpetual Help Altas at Jose Rizal University Heavy Bombers sa pagpapatuloy ng 90th NCAA men’s basketball sa The Arena sa San Juan City.

Ang magkasalo sa ikat­long puwesto sa 8-4 ba­raha ay magtutuos sa tampok na laro dakong alas-4 ng hapon.

Mauunang magkita ang Lyceum at Mapua sa ganap na alas-2 ng hapon at balak ng Pirates na buhayin pa ang sumasamang kampanya para makapasok sa semifinals.

May tatlong sunod na talo ang Pirates para sa 5-7 karta ngunit aasahan nila ang 80-78 panalo na nakuha sa unang pagtutuos sa Cardinals para pagandahin ang kasalukuyang 5-7 baraha.

Natalo ang Altas sa Heavy Bombers sa unang paghaharap 61-62, pero tiyak na handang bawian ng tropa ni coach Aric del Rosario ang host Heavy Bom­bers dahil galing sila sa tatlong sunod na panalo laban sa Pirates, Letran Knights at Arellano Chiefs.

Sina Juneric Baloria, Harold Arboleda at Earl Scottie Thompson ay naki­kitaan ng inspiradong pag­lalaro para asahan na sila uli ang mangunguna kontra JRU na tinalo ang Emilio Aguinaldo College Gene­rals at Lyceum sa huling dalawang laro.

Ipantatapat ng tropa ni coach Vergel Meneses sa kamador ng Altas  sina Philip Paniamogan, Michael Mabulac at Bernabe  Teodoro para dumikit pa sa pumapangalawang Arellano (9-3).

Ang matatalo sa la­rong ito ay makakatabla sa ikaapat na puwesto sa pahingang St. Benilde Bla­zers (8-5).

 

 

Show comments