MANILA, Philippines - Umagos ang luha sa mga kasapi ng dragon boat team nang bigyan ng mainit na pagsalubong sa pagbalik sa bansa matapos umani ng limang gintong medalya sa sinalihang ICF World Dragon Boat Championships sa Poznan, Poland.
Sina PSC commissioner Salvador “Buddy” Andrada at Philippine Canoe-Kayak Federation president at POC board member Jonne Go ang nangunang opisyal sa mga sumalubong sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3 noong Martes ng hapon.
“Masaya lang ako para sa mga bata kasi mahirap ang pinagdaanan nila. Marami ang hindi naniwala sa kanila pero napatunayan nila na kaya nila kahit maliliit sila,” wika ni Dutchess Co na assistant coach sa women’s dragon boat team.
Karamihan sa mga ipinadala ay edad 17-anyos pero lumabas ang puso ng mga paddlers para hiyain ang hamon ng ibang katunggali tungo sa limang ginto, tatlong pilak at tatlong bronze medals.
Tinuran ni Go na napatunayan ng tagumpay na ito na puwedeng kuminang ang mga manlalaro sa canoe-kayak sa dragon boat dahil iisa lamang halos ang training ng mga ito.
Kasama sa Pambansang koponan ay si Hermie Macaranas, ang natatanging lahok ng PCKF sa Incheon Asian Games at may kumpiyansa siya na makakatulong ang nakuhang karanasan para mabigyan ng magandang laban ang mga makakasagupa.
Sa panig ni Andrada ay pinasalamatan niya ang mga paddlers sa karangalang ibinigay sa bansa at nangakong may matatanggap na insentibo mula sa PSC.
Tumulong ang PSC sa pagsali ng koponan sa pagpapalabas ng P3 milyon pondo.
Kahit ang House of Representatives ay nagpalabas ng House Resolution No. 1447 na bumabati sa tagumpay na naabot ng paddlers. (ATan)