MANILA, Philippines - Pangungunahan nina 2010 Asian Games gold medalist Engelberto Rivera at World champions Geylord Coveta at Josie Gabuco ang 150 Pambansang atleta na maghahangad ng tagumpay sa 16th Asian Games sa Incheon, Korea.
Sasali ang Pilipinas sa 26 sa 36 sports na paglalabanan at ang delegasyon ay katatampukan ng 99 kalalakihan at 51 kababaihang atleta. Mayroon ding 55 coaches/technical officials para sa kabuuang 205 bilang.
Si Rivera na isa ring World Tenpin Bowling champion noong 2006, ang natatanging gold medalist noong 2010 na babalik sa kompetisyon.
Tatlong ginto ang napanalunan ng bansa noong 2010 pero sina Dennis Orcollo ng billiards at Rey Saludar ng boxing ay hindi kasama dahil ang bilyar ay inalis sa edisyong ito habang may shoulder injury si Saludar.
Inaasahang palaban sa ginto sa Incheon sina Coveta at Gabuco dahil hinirang sila bilang world champions sa wind surfing at women’s boxing.
Ang iba pang atleta na nanalo ng medalya sa Guangzhou edition na kasama uli ay sina bowler Frederick Ong at mga taekwondo jins John Paul Lizardo at Kirstie Elaine Alora na pawang humakot ng bronze medals.
Ang bowling at taekwondo ay binanggit ni PSC chairman at Asian Games Chief of Mission Ricardo Garcia na inaasahan niyang magbibigay pa rin ng gintong medalya sa Incheon.
Para gumanda ang kanilang tsansa sa tagumpay, ang boxing at taekwondo ang may pinakamalaking bilang ng atleta sa tig-12 manlalaro (anim na lalaki at anim na babae).
Ang center-piece event na athletics ang may pangalawang pinakamalaking bilang sa siyam na atleta sa pangunguna ng natatanging lady athlete, ang two-time Olympian na si Marestella Torres.
Ang iba ang sports at bilang ng atletang ilalaban ng Pilipinas ay archery (7), boxing (8), canoe-kayak (1), cycling (4) equestrian (4), fencing (2), golf (7), gymnastics (1), judo (2), karatedo (6), rowing (5), sailing/surfing (4), shooting (2), swimming (3), tennis (5), soft tennis (3), triathlon (5), weightlifting (1), wrestling (2) at wushu (6).
Sasali pa ang Pilipinas sa team sports na basketball (12), softball (15) at rugby (12). (ATan)