MANILA, Philippines - Inokupahan ng Myanmar ang unang puwesto sa Finals sa 2014 Peace Cup sa kumbinsidong 4-1 panalo sa Palestine sa pagsisimula ng aksyon kahapon sa Rizal Memorial Football pitch.
Nagpasikat si Kyaw Zayar Win nang nagpakawala siya ng dalawang goals sa 26th at 49th minute habang ang mga kakamping sina Tin Win Aung at Nanda Lin Kyaw Chit ay naghatid ng tig-isang goal sa 38th at 71st minute.
Hindi nangyari ang inakalang kawalan ng iskor ng Palestine dahil nakalusot ng goal si Ahmed Wridat sa 87th minute.
Namuro naman ang Azkals na siyang makalaban ng Myanmar para sa titulo nang hawakan ang 2-0 abante sa Chinese Taipei bago itinigil ang laro matapos ang 57 minutong paglalaro dahil sa pagbuhos ng malakas na ulan na sinabayan ng pagkakaroon ng matatalim na kidlat.
Kinolekta ni Rob Gier ang kanyang kauna-unahang international goal sa 24th minute bago ibinigay ni James Younghusband ang 2-0 kalamangan sa first half nang nakumpleto ang magandang assist ni Misagh Bahadoran sa 37th minute.
Ang championship game ay gagawin sa Sabado dakong alas-7 ng gabi. Mauunang paglalabanan ang ikatlong puwesto sa hanay ng Palestine at ang matatalo sa Pilipinas at Chinese Taipei. (AT)