MANILA, Philippines – Inungusan ng Team Prima ang kanilang mga foreign rivals sa kani-kanilang kategorya para angkinin ang apat na gold medals sa Series 2 ng 2014 ASEAN Mountain Bike Cup sa Masilou Highlands sa Kundasang, Malaysia.
Matapos kumuha ng tatlong gold at isang bronze medals sa first leg na serye sa Danao City noong Hunyo, muling nangibabaw ang Team Prima sa pamumuno ng father-and-son tandem nina Eboy at Jerich Farr.
Sinikwat ng 17-anyos na si Jerich ang gold medal sa downhill junior men’s event sa kanyang oras na 4:34.9 para talunin sina Malaysian Vui Chung Leong (5:04.3) at Singaporean Mohammad Rasul Abu Akbar (05:05.3).
Naghari naman si Eboy sa downhill men’s masters B sa bilis na 04:47 para ungusan ang kakamping si Jing Malabanan (05:28) at si Malaysian Rizal Adam Hon (05:29).
Sa XCO junior men’s event, kinumpleto ni Jake Aldrin Rivera ang 9.60 km course sa kanyang tiyempong 1:22:20 para iwanan sina Malaysians Yuan Swee Tay at Muhd Nuhr Afzan Abdul Mutalib.
Naghari naman si John Michael Mapacpac sa XCO Open men’s class kasunod ang mga kakamping sina Edmhel John Flores at John Renee Mier.
Kumuha ang mga Filipinos, nagdadala ng Team Prima/Isuzu/Specialized, ng apat na category gold medals at dalawang silver medals.
Nakamit din nila ang XCO Junior Mens Overall Gold, DHI Masters Overall Gold at DHI Masters Overall Bronze.