Altas binalikan ang Chiefs; Bombers pinigil ang Pirates
MANILA, Philippines - Gumana uli ang kamay ng ‘big three’ ng Perpetual Help para bawian ang Arellano, 101-86, at gumulo pa ang karera para sa puwesto sa susunod na yugto sa 90th NCAA men’s basketball kahapon sa The Arena sa San Juan City.
Tumipa si Harold Arboleda ng 28 puntos, 12 rebounds at 7 assists, si Juneric Baloria ay may 26 puntos habang si Earl Scottie Thompson ay nagrehistro ng kanyang ikalawang triple-double sa season sa 11 puntos, 10 rebounds at 10 assists para kunin ng Altas ang ikawalong panalo matapos ang 12 laro.
Kapos lamang ang tropa ni coach Aric del Rosario ng isang laro sa Chiefs na nasa ikalawang puwesto pa ngunit bumaba sa 9-3 karta.
“Ito na ang pinakamagandang laro namin. Kami rin ang nagdikta ng tempo ng laro,” ani del Rosario.
Sa ikatlong yugto kumawala ang Altas nang nagpasabog sila ng 35 puntos upang ang limang puntos na agwat sa halftime ay naging 15 puntos na bentahe, 84-69.
Si Baloria ang namuno sa Altas sa nasbaing yugto sa ibinigay na 13 puntos.
Natigil ng isang minuto ang laro dahil sa problema sa kuryente sa huling yugto. Nang bumalik ito, tila napunta sa Chiefs ang momentum at napababa ang kalamangan sa walo sa buslo ni Prince Caperal, 89-81, sa huling 4:18 ng labanan.
Pero tumugon si Arboleda taglay ang anim na puntos sa 10-0 palitan para ilayo ang Altas sa 18 puntos, 99-81.
Nanatiling nakasalo ang host Jose Rizal University Heavy Bombers sa ikatlong puwesto nang durugin ang Lyceum Pirates, 67-43, sa ikalawang laro.
Mainit agad ang opensa ng Bombers para hawakan ang 18-4 kalamangan at ito ay lumobo sa 67-41, sa kalagitnaan ng huling yugto para sa 8-4 baraha.
May 23 puntos si Philip Paniamogan habang 13 puntos at 10 boards ang ginawa ni Michael Mabulac para sa Bombers.
- Latest