Gilas kinapos sa Greece pipiliting manalo sa Senegal at Puerto Rico

Nakipag-agawan sa rebound si naturalized player Andray Blatche ng Gilas Pilipinas laban sa dalawang Greece players sa aksyon sa Group B. (FIBA World Cup)

SEVILLE, Spain - Nalasap ng Gilas Pilipinas ang kanilang ikalawang sunod na kabiguan sa Day 2 ng 2014 FIBA Basketball World Cup dito.

Yumuko ang Natio­nals sa Greece, 82-70, sa Group B sa Palacio Municipal de Deportes San Pablo.

Ang panalo ng Greeks ang nagpasok sa kanila sa Round of 16 kasama ang Croatia, tinakasan ang Gilas Pilipinas sa overtime, 81-78.

Tinalo ng Croatia ang Argentina, 90-85, habang sumandal ang Senegal kay Minnesota Timberwol­ves 6-foot-11 center Gorgiu Dieng para talunin ang Puerto Rico, 82-75.

Ang kabiguan ng Gilas ang pumuwersa sa kanilang manalo laban sa Puerto Rico bukas at sa Senegal sa Huwebes.

“Do we rest Andray Blatche (against Argentina) to prepare him for Puerto Rico and Senegal?” sabi ni head coach Chot Reyes sa post-game interview. “We’ll think about it tonight and talk about it tomorrow morning.”

Nakatakdang labanan kagabi ang Argentina na magbabandera kay India­na Pacers’ forward Luis Scola.

Inisip na ni Reyes na gamitin ang kanyang bench kasama si na­tu­ralized player Andray Blatche laban sa Greece para mapaghandaan ang Argen­tina.

“Inisip namin, ‘pupukpok ba kami ngayon at pahinga bukas against Argentina?’ Pero kita mo naman ang tao; pa’no ka naman magde-day off niyan,” wika ni Reyes.

Humakot si Blatche, ang dating Brooklyn Nets center, ng 21 points at 14 rebounds sa kabila ng ma­laking frontline ng Greece na nagtampok sa dalawa nilang 7-footers sa katauhan nina Giannis  Bourousis at Georgios Printezis.

Malinaw na iniinda ni Blatche ang kanyang kanang tuhod.

“Old injury na yung tendonitis niya,” wika ni Reyes. “But he twisted it on landing after a hard drive against Croatia kaya sumakit uli. Actually slight twist lang naman pero masakit pag nababangga.”

Kumolekta naman si June Mar Fajardo ng 10 points at 7 rebounds sa loob ng 10 minuto, habang si Marc Pingris ay may 7 points at 6 rebounds.

Walang ibang Gilas player na umiskor ng mas mataas sa 5 points laban sa Greece na nagposte ng isang 17-point lead sa third quarter.

“I’m crushed by the loss but still very happy with the effort of my players,:” sabi ni Reyes.

Greece 82 – Printezis 25, Bourousis 12, Papani­kolaou 9, Calathes 9, Zisis 8, Vasileiadis 6, Kaimakog­lou 5, Antetokounmpo 3, Sloukas 3, Vougioukas 2, Mantzaris 0.

Pilipinas 70 – Blatche 21, Fajardo 10, Pingris 7, Castro 5, Lee 5, Norwood 5, De Ocampo 4, Alapag 3, Tenorio 3, Chan 3, David 2, Aguilar 2.

Quarterscores: 20-10; 37-27; 58-45; 82-70.

Show comments