MANILA, Philippines - Ipagpapatuloy ni PLDT chairman Manny V. Pangilinan ang suporta ng mga pinamumunuang kumpanya para maipagpatuloy ang pag-unlad ng badminton sa bansa.
Ginawa ito ni MVP matapos ang malaking bilang ng mga sumali sa idinaos na Smart Badminton Open National Championship at Sun Cellular National Junior leg tournaments.
Mananatili sa P1 milyon ang premyong ilalaan ng Smart Communication sa mga torneo sa mga susunod na kompetisyon.
“Mr. Pangilinan was very happy to see the large number of quality participants and how competitive the matches were,” wika ni PBA national team manager Atty. Eric Espanol.
“He (MVP) really believes that badminton is a sport that the Filipinos can excel in, that’s why he keeps supporting the sport and the national team,” dagdag nito.
Si Pangilinan ay chairman ng Philippine Badminton Association bukod sa pagtangan ng ganitong puwesto sa Alliance of Boxing Association of the Philippines (ABAP).
Pangulo rin siya ng Samahang Basketbol ng Pilipinas at ang mga kumpanyang kanyang pinatatakbo ay tumutulong din sa cycling, football, taekwondo at running.
Sina Mark Alcala at Lili Wang ang nagkampeon sa men’s at women’s singles para ibulsa ang tig-P100 thousand pesos premyo.
Kampeon sa doubles sina national players Peter Gabriel Magnaye at Paul Vivas (men’s) at Poca Alcala at Gelita Castilo (women’s) para sa tig-P120,000.00 premyo.
Ang mga national players na umabot sa quarterfinals at semifinals ay ginawaran din ng insentibo.
Puspusan ang pagtulong ni MVP sa badminton para makakuha ng ranking points at may maisali ang bansa sa 2016 Olympics.