4 golds ikinampay uli ng Pinoy paddlers
MANILA, Philippines - Lalong bumangis ang laban na ipinakita ng dragon boat team na ipinadala sa 2014 ICF (International Canoe-Kayak Federation) 2014 Dragon Boat World Championships sa Poznan, Poland nang humakot pa ng apat na gintong medalya noong Sabado.
Sa 200-meter ang distansya ng karera at hindi natalo sa apat na events na sinalihan ng natatanging Asian country na kalahok sa kompetisyon.
Nanguna sa laban ang Senior Men at Senior Mixed teams na noong Biyernes ay nagsalo lamang sa tatlong pilak sa 500-m distance.
Kampeon ang bansa sa 10-seater Senior Men sa 49.01 segundo para hiyain ang Russia na may 49.17 at host Poland na may 50.53 tiyempo habang ang pangalawang ginto ay sa 20-seater sa bilis na 40.77 segundo laban sa 42.12 ng Russia at 44.11 ng Hungary.
Kumampanya ang Senior Mixed team sa 10-seater at dinaig ang Russia sa mahigpitang labanan.
Sa huling 25-metro na lamang lumayo ang Pambansang koponan tungo sa pangungunang 51.08 segundo habang ang Russia ay may 51.25 segundo. Ang Poland ang pumangatlo sa 53.28.
Nagpatuloy ang kinang ng Junior Men nang kunin ang ikalawang ginto sa 10-seater sa 50.97 segundo. Pumangalawa ang Russia sa 52.93 segundo bago sumunod ang Canada sa 53.93 tiyempo.
Matapos ang tatlong araw sa apat na araw na kompetisyon, ang delegasyong inilahok ng Phi-lippine Canoe-Kayak Federation ay kumabig na ng limang ginto at tatlong pilak.
Ang huling araw ng kompetisyon ay ginawa noong Linggo at mga karera sa 10-seater at 20-seater 2000-meters ang pinaglaban. (AT)
- Latest