Ron Artest para sa Kia?
Kilala ninyo naman siguro si Ron Artest.
Oo. Siya yung NBA player na dating naglaro sa Chicago Bulls, Houston Rockets, Indiana Pacers, Los Angeles Lakers at Sacramento Kings.
Wala na siya sa NBA at kasalukuyang naglalaro para sa Sichuan Blue Whales sa Chinese Basketball Association o CBA. Nagpalit na rin siya ng pangalan. Siya na si Metta World Peace.
Magaling na NBA player si Metta. May taas na 6’7 at solid ang depensa. Hindi rin makakalimutan ng NBA fans ang pagkakasangkot niya sa isang matinding gulo o upakan sa NBA.
Nung 2004 ito nangyari at sa game ng Pacers laban sa Detroit Pistons. Sa kaguluhan ay lumusob si Metta sa mga fans. Nagpang-abot sila at matagal bago naawat.
Suspendido si Metta ng mahigit 70 na laro at halos $5 million ang nawala sa kanyang kita dahil dito.
Pero bakit nga ba natin pinag-uusapan si Metta?
Dahil sa ating panayam kay Manny Pacquiao nung huling Miyerkules sa Shanghai, China, ay sinabi niya na gusto niya kunin si Metta bilang import ng Kia Motors sa PBA.
Si Pacquiao ang playing-coach ng Kia.
Magkakilala si Pacquiao at Metta at kaibigan ang turing sa isa’t isa. Minsan ko rin nakita si Metta na dumalaw sa isang press conference ni Pacquiao sa Beverly Hills.
Nakasama ko pa sa mesa ng sandali si Metta.
Sabi ni Pacquiao ay susubukan daw niya kunin si Metta bilang import. Huwag lang salungat sa kontrata niya sa CBA ay kampante si Pacquiao na papayag itong maglaro sa PBA.
“Okay yun. Kaibigan ko yun,” sabi ni Pacquiao.
Mukhang seryoso.
Sana nga ay may kalabasan sa gusto ni Pacquiao dahil kung matuloy man ito ay siguradong patok sa takilya ang kanilang samahan.
Siguradong sikat ang Kia.
May Pacquiao na may Metta pa.
- Latest